hayop

Mga Dos and Don’ts sa Pagkain ng Alagang Hayop

Bawat isa sa ating mga alagang hayop ay may kani-kanilang nutrisyonal na pangangailangan upang manatiling malusog at malakas. Marami rin silang bawal kainin na makadudulot ng sakit o kamatayan, at madalas ay lingid ang mga pagkaing ito sa ating kaalaman. Mahalagang tandaan natin na ang ating mga kinakain ay hindi katulad ng sa kanila. Kadalasan, mas maselan pa ang kanilang digestive system kaysa sa atin at ang mga inaakala nating ligtas kainin ay bawal pala sa ating mga alagang hayop.

https://www.instagram.com/p/CBa-dDtFCBz/

Kaya naman ang The Furry Companion ay nagsaliksik ng mga dos and don’ts pagdating sa pagkain ng ating mga minamahal na alaga. Mula sa mga bawal kainin, dapat tandaan, kasangkapan, nutrisyon, tamang paghanda, at iba pa, sana’y magsilbing gabay ito upang makatulong sa ating mga pet owners na maging mas mabuting amo sa ating mga furry friends.

Dos

1. Alamin ang kanilang partikular na pangangailangan.

https://www.instagram.com/p/CBa_258JL1M/

Ang iba’t ibang hayop ay may kani-kaniyang pangangailangan, kasama na rito ang nutrisyon at pagkain. Hindi maaring ituring na parehas ang mga digestive system ng bawat hayop sa kadahilanang parehas naman silang hayop o parehas naman silang mammal.

Halimbawa, ayon kay Deborah E. Linder, DVM, MS, DACVN na isang veterinarian, “Cats need more protein than other species like humans or dogs. Kittens need more protein than most other animals and adult cats need 2-3 times more protein than dogs or herbivores like cows or horses.” 

Dagdag pa rito, sinabi din niya na kailangan ng mga pusa ng vitamin A na kasama na sa kanilang pagkain, kumpara sa mga aso at ibang hayop na kayang gawing vitamin A ang kinakaing gulay o halaman. Alam mo rin ba na ang mga pusa ay madalas na lactose intolerant kahit palaging nakikita sa telebisyon na sila’y mahilig sa gatas?

Kahit ang ating mga alagang ibon at reptile ay may iba’t ibang ding nutrisyonal na pangangailangan dahil iba rin ang kanilang paraan ng pag-digest ng pagkain. Upang mas maliwanagan sa kailangang nutrisyon at pagkain ng iyong alaga, mainam na magpakonsulta sa isang veterinarian.

https://www.instagram.com/p/CBTna78jJBi/

2. Pag-iba-ibahin ang mga kinakain para sa mas balanseng nutrisyon.

Katulad ng mga tao, kailangan ding hindi pare-parehas ang kinakain ng ating mga alaga dahil maari ito maging sanhi ng nutritional deficiencies o pagkukulang ng iba’t-ibang bitamina sa kanilang katawan. Ayon kay Dr. Evan Ware, DVM, isang veterinarian, “Don’t feed your pet one kind of food, such as only meat or chicken. Pets like diversity too, so incorporate grains and vegetables into her diet so she enjoys the benefits of a well-rounded, nutritionally rich diet.”

3. Laging samahan ng protein ang kanilang pagkain.

Malaking bahagi ng katawan ng mga hayop ay gawa sa protein, mula sa mga organ at muscle. Lahat ng ating mga alaga ay nangangailangan ng protein mula sa kanilang kinakain. Ito’y dahil hindi sapat ang nagagawa nilang protein sa kanilang katawan, at ang protein ay nagsisilbing source of energy para sa kanila. Ang protein ay gawa sa amino acid, at ang mga amino acid na ito ay kinakailangan para sa mga biological functions ng ating mga alaga.

https://www.instagram.com/p/BurkOAmBDCP/

Ayon kay Dr. Cailin Heinze, VMD, MS, DACVN, “Pets who don’t get enough protein can experience a number of health problems including weight loss, muscle loss, weakness, poor digestion, and even fluid build-up in their chest or abdomen.” Upang maiwasan ang pagkukulang sa protein, kinakailangan ng mga aso ng 4.5 g/100 kcal, at ng mga pusa ng 6.5 g/100 kcal. Mas malaki rin ang kailangan ng mga buntis at batang hayop.

Hindi naman masama na sumobra sila sa protein, dahil madalas ay ito’y sasama lang sa kanilang ihi. Maging maingat na lang din lalo na sa mga may alagang mayroong problema sa bato at atay. Mainam ding tandaan na karamihan sa mga allergy na nakukuha ay mula sa mga protein na kinakain nila.

4. Alamin ang tamang serving size para sa iyong alagang hayop.

https://www.instagram.com/p/B-SDvdcFQ39/

Katulad nating mga tao, iba-iba ang amount na dapat kainin ng ating mga alaga. Lahat ito’y nakadepende sa timbang at laki nila. Mainam din na panatilihin nating malusog at nasa tamang timbang ang ating mga alaga dahil maraming sakit ang naidudulot ng obesity. Kasama ng tamang ehersisyo, maiiwasan natin ang pagtaba ng ating mga alaga kung tama ang serving size na ating binibigay.

5. Iwan ang kanilang pagkain sa tamang lalagyan.

Source: Pixabay

Para sa mga pagkaing dry o tuyo, mainam na iwan ito sa orihinal na lalagyan, at panatilihing sarado at natatakpan nang maayos. Maraming pag-aaral ang ginagawa upang mapanatiling sariwa ang mga pagkain sa kanilang original packaging. Pagdating naman sa wet food, ilagay sa refrigerator ang pagkain at siguraduhing makakain lahat sa loob ng isang linggo mula sa pagkabukas nito.

Dapat ding ilayo sa init ang mga pagkain dahil maaring magbago ang lasa, nutrisyon, at kalidad ng mga pagkaing panghayop. Sumatotal, pinakamainam kung kakainin ang mga pagkain pagbukas na pagbukas nito.

6. Maging maalaga at malinis sa pagpapakain ng alagang hayop.

Mahalagang tandaan na nagkakasakit din ang mga alaga kung madumi ang paraan ng paghahanda ng kanilang pagkain. Mainam na maghugas ng kamay kapag magpapakain ng mga alaga, at inyo na ring linisin ang mga lalagyan nila ng pagkain. Madali kasing kumalat ang bacteria at malason ang iyong alaga, lalo na kung macross-contaminate ang mga lutong pagkain sa hilaw at maruming pagkain.

7. Laging kumonsulta sa veterinarian.

Source: Pixabay

Tuwing tayo’y may sakit, pumupunta tayo sa ospital upang magpacheck-up sa doktor. Siya ang nagdidiagnose ng ating sakit at nireresetahan tayo ng gamot. Para sa ating mga alaga, ang mga beterinaryo ang kanilang mga doktor. Mas mahirap alamin ang sanhi at gamot para sa kanilang mga sakit dahil hindi naman natin ito nararanasan sa ating pang araw-araw na buhay. Kaya naman, mainam na regular na magpakonsulta sa beterinaryo at hindi lang tuwing may sakit ang iyong alaga para malaman ang kanilang mga pangangailangan sa kanilang pagkain upang maiwasan ang mga sakit.

8. Bantayan ang fat sa kanilang pagkain.

Ang fat ay isang mahalagang macronutrient para sa iba’t-ibang biological function ng mga hayop. Masarap din ito sa panlasa, kaya’t nakakapagpagana ito sa pagkain ng iyong alaga. Subalit mabuting limitahan ang pagkain nila ng dietary fat. Una, ang pagkain na maraming fats ay calorically-dense. Dahil kumpara sa carbohydrates o protein, mas kaunti lang na fat ang kailangan para dumami ang calories na nakakain ng ating mga alaga. Ibig sabihin, mas mabilis tataba ang ating alaga kapag malakas kumain ng fat, lalo na kung bihira ito mag-ehersisyo. Kapag sumobra din sila sa fat, maaaring makatrigger ng pancreatitis o pamamaga ng pancreas.

9. Pakainin sila ng carbohydrates at fiber.

Ang carbohydrates tulad ng gulay, patatas, peas. at beans ay nagbibigay ng enerhiya sa ating mga alaga. Mahalaga din na sapat ang fiber sa katawan nila upang maayos ang kanilang digestion.

https://www.instagram.com/p/CAr6ylXnoem/

Don’ts

1. Huwag agad maniwala sa mga kaakit-akit na salita sa food packaging.

pagkain ng alagang hayop
Source: Pixabay

Hindi na nakapagtataka na gumagamit ang mga nagbebenta ng pet food ng mga kaakit-akit na salita upang mapukaw ang atensyon ng mga may alagang hayop at bumili sila ng kanilang mga produkto. Kadalasan, ang mga salitang “organic,” “non-GMO,” “human-grade,” at “premium” ay nilalagay sa mga pakete para mas madaling maibenta ang pagkain. Subalit sa katunayan,ang mga salitang ito ay wala talagang kabuluhan at hindi ibig sabihin na mas kalidad ang pagkaing binebenta.

Sa kabilang banda, natatakot din ang mga mamimili kung may “additives” ang kanilang biniling pagkain para sa kanilang alaga, pero hindi naman talaga ito masama para sa kanila. Isa pang maling paniniwala ay na ang mga “meal” na pagkaing panghayop ay hindi totoong pagkain at hindi masustansya. Sa katunayan, minsan nakatutulong pa ang mga ito para gumanda ang kalidad ng pagkain at makapagbigay ng mas maraming nutrisyon. 

2. Huwag masyadong alalahanin ang mga nakasulat na sangkap sa package.

Minsan, ang mga nakasulat na kasangkapan sa mga nutrition label ng mga komersyal na pagkain ay pang-advertise lang na kanilang produkto at hindi talaga nakatutulong sa nutrisyon ng iyong alaga.

https://www.instagram.com/p/CBQdyn4pQFD/

Alam mo rin bang hindi masyadong kailangan ng ating mga alaga ng extra vitamins kung sila naman ay kumakain ng wastong diet at balanseng nutrisyon? Basta’t pasado sa animal feeding trial, madalas ay sakto na ang nutrisyon ng mga ito para sa iyong alagang hayop.

Dagdag rin Dr. Cailin Heinze, kung commercial pet food naman ang kinakain ng iyong pet, hindi na kailangan ng additional food supplements unless mayroong health issue ang iyong alaga. Samakatuwid, ang mga bitamina ay maaring dagdag lamang na gastusin , o kaya’y makadudulot pa ito ng mas malalang sakit dahil sa mga posibleng side effects na dala sa sobrang pagkonsumo nito.

3. Iwasan ang pagpakain ng karneng hilaw.

Source: Pixabay

Nakikita natin sa cartoons at telebisyon na maaring pakainin ng hilaw na karne ang ating mga alagang hayop. Subalit mas mainam na iwasan ito dahil maraming dalang bacteria at parasites, katulad ng Listeria at Salmonella, ang mga hindi lutong karne. Sa katunayan, maaari ring maapektuhan ang mismong nag-aalaga ng pets dahil sa posiblidad na macross-contaminate ang kanilang kapaligiran.

4. Huwag pakainin ang iyong alaga ng pagkaing para sa ibang hayop.

Tulad ng ating nabasa kanina, iba-iba ang pangangailangan ng ating mga alaga. Hindi naman maaring kumain ang iyong ibon ng pagkaing para sa aso. Ang mga pusa rin ay may mas mataas na pangangailangan sa nutrisyon kumpara sa aso. Kapag pinakain ng dog food ang pusa, ito’y manghihina dahil hindi sapat ang nutrisyon mula sa pagkain. Kapag pinakain naman ng cat food ang aso, maari itong maging nakalalason pagtagal ng panahon. Sa pangkalahatan, mas mainam na magbigay ng pagkaing naaaayon sa pangangailangan ng bawat hayop.

https://www.instagram.com/p/CBa9nF9Jmu-/

5. Huwag pakainin ng nabubulok o expired na pagkain.

Kung ikaw mismo hindi kakain ng pagkaing masama na ang amoy, mas malala ito para sa iyong alaga na maselan ang pang-amoy. Halimbawa nito ang mga pagkaing inaamag at nabubulok. 

Iwasan ding pakainin ang alaga ng pagkaing hindi mo kakainin. Ayon kay Dr. Ware, kung may tira kang pagkain sa iyong plato na sa tingin mo ay hindi healthy para sa iyo, gayundin iyon para sa iyong alaga.

6. Iwasang magpakain ng tira-tirang pagkain sa iyong alagang hayop. 

Ang mga leftovers nating ay hindi mainam na ipakain sa ating mga alaga dahil marami sa mga pagkain natin ang maaaring bawal sa kanila. Kung hindi sigurado sa kung ano ang bawal o hindi, tignan ang listahan sa ibaba para sa mga pusa at aso.

7. Huwag biglain ang pagpapalit ng pagkain.

Tandaan na kung sanay na ang iyong alaga sa isang pagkain, dahan-dahan dapat ang pagpapalit mo ng kaniyang pagkain. Ito’y dahil sensitibo ang mga tiyan ng ating mga pet at maaring trained na sila sa isang paraan, uri, o lasa ng pagkain.

https://www.instagram.com/p/CBaR8p8JAyz/

8. Iwasan ang maaanghang na pagkain.

Ang mga pagkaing maanghang ay masarap para sa atin pero nakasusunog sa ating mga alaga. Maliban sa mararamdamang init, masama rin sa digestive tract nila ang maanghang na pagkain.

9. Huwag pakainin ang aso ng mga pagkain sa mesa habang kumakain.

https://www.instagram.com/p/CAS2_klHXaB/

Ang mga pet na may tendency na kumain nang tuloy-tuloy ay madaling tumaba at mawalan ng disiplina. Minsan ang free-feeding ay nakatutulong upang maiwasan ang pagiging agresibo pagdating sa pagkain, subalit kadalasan mas mainam na ma-train at maturuan nang maayos na disiplina ang iyong alaga. Madali ring malaman kung may sakit ang iyong alaga sa pamamagitan ng pag-obserba sa kaniyang gana. Kung sanay kumain ang aso maghapon, mahirap malaman kung wala na bang gana ang iyong alagang hayop.

Food List Para sa mga Alagang Hayop

food list para sa mga alagang hayop
Source: Pixabay

YES

Ito ang mga pagkaing siguradong makabubuti sa inyong mga alaga. 

  • Sariwang Isda – May omega-3 para sa immune system ng alaga. Siguraduhing walang tinik.
  • Itlog – Masustansya at puno ng protein at minerals. Siguraduhing naluto nang maigi.
  • Manok – Puno ng protein. Tanggalin lang ang buto at huwag lagyan ng sibuyas.
  • Baka – Masarap sa panlasa at puno rin ng protein
  • Berdeng Gulay at Beans – Maraming vitamins at puno ng fiber
  • Kamote – Puno ng fiber para sa magandang digestion.
  • Yogurt – Mataas sa calcium at puno ng probiotics na makatutulong sa digestion
  • Mansanas – Maraming vitamins at may calcium. Siguraduhing walang buto at tanggalin ang core.
  • Peanut butter – Puno ng healthy fats at protein
  • Carrots – Maraming vitamin A, mataas sa fiber, at mababa sa calories
  • Oatmeal – Maraming fiber at masarap na treat para sa mga alaga

MAYBE

Ito ang mga pagkaing maaring ipakain sa mga pet depende sa kanilang health status.

  • Keso at Gatas – Maaring lactose intolerant ang iyong alaga at makadulot ng pagsakit ng tiyan
  • Patatas – Kailangang nabalatan at naluto nang maigi
  • Soy – Minsan masustansya subalit maari ring magdulot ng pagsakit ng tiyan
  • Delatang Isda – Maalat ang mga ito kaya mas mainam na iwasan

NO

Ito ang mga pagkaing dapat iwasang ibigay sa mga pets sa lahat ng pagkakataon. Ang mga pagkaing ito ay maaaring mayroong harmful content para sa inyong furry friend.

  • Tsokolate – May chemical na theombrine na nakamamatay sa mga alaga
  • Kape, Tsaa at Softdrinks- Puno ng caffeine na nakaka-hyper at nakakataas ng blood pressure
  • Asukal at Matatamis – Nagdudulot ng diabetes at pagkasira ng ngipin
  • Deli Meats – Maraming sodium at maalat
  • Alak – Nakasisira ng nervous system
  • Avocado – Maaaring makadulot ng diarrhea at pagbigat ng timbang
  • Gravy – Maari ring makasama sa tiyan
  • Ubas at Pasas – Kaunti lang nito ay makakasama sa kalusugan ng iyong alaga
  • Bawang at Sibuyas – Nagdudulot ng anemia, panghihina, at pagkamatay
  • Yeast Dough – Nagdudulot ng pagsakit ng tiyan
  • Mani – Sanhi ng lagnat at pagsusuka
  • Chewing Gum/Artificial Sweeteners – Nakadudulot ng pagkasira ng atay

Final Thoughts

Isang napakalaking responsibilidad ang pag-aalaga ng hayop. Sa pangkalahatan, ang ating mga alaga ay nakadepende sa atin para sa lahat ng kanilang pangangailangan. Kaya naman napakahalagang alam natin ang tamang pagkain ng ating alaga upang mapanatili itong malusog, malakas, at walang sakit. Nakapagbibigay sila ng malaking saya sa ating mga buhay, kaya marapat lang na pagtuunan din natin ng pansin ang kanilang kalusugan at pamumuhay.

Frequently Asked Questions

Masama bang magkaroon ng alagang hayop?

Maraming lahi ang domesticated at matagal nang kasama at inaalagan ng mga tao. Nasa likas na katangian na ng mga ito, katulad ng mga aso at pusa, na manirahan kasama ang kanilang amo.

Gusto ba ng mga hayop na hinahawakan at hinihipo?

Karamihan ng mga alagang mammal ay gustong sila’y hinahawakan. Ang pag-pet sa kanila ay masarap sa kanilang pakiramdam sa balahibo. Kahit tao ay kailangan din nahahawakan ng ibang tao.

Bakit ako dapat mag-alaga ng hayop?

Maraming benepisyo ang pag-aalaga ng pet. Nakatutulong ito upang maenganyo na mag-eherhisyo, manatiling malusog, at makisalamuha ang amo. Ang companionship na dala ng mga alagang hayop ay nakakababa ng stress at kalungkutan, at nakapagdadala ng saya sa ating buhay.

Nagbibigay ba ng saya ang pag-aalaga ng hayop?

Ang pakikipaglaro sa iyong alaga ay nakapagpapataas ng lebel ng feel-good chemicals na dopamine at serotonin sa iyong utak. Ayon sa ilang pag-aaral, mas nakakawala ng stress ang alagang pet kaysa sa isang kaibigan.

Mas matagal ba ang buhay ng mga taong may mga alagang hayop?

Ayon sa mga pag-aaral, mas matagal ang buhay ng mga may alagang hayop kaysa sa wala. Sa karagdagan, mas gumagaling din ang mga may alagang hayop sa sakit tulad ng heart attack o stroke, lalo na kung mag-isa lang namumuhay.

Paano nababago ng alagang hayop ang iyong buhay?

Ang mga alaga ay nagmamahal ng walang kondisyon, at marami kang matutunan mula sa iyong alaga. Marami ka rin makikilalang ibang tao, at mananatili kang malusog at masaya.

Ano ang magandang unang alagang hayop?

Ang mga hamster at guinea pig ay mga maliit na hayop at madaling alagaan. Hindi nila kailangan ng malaking space, at kaunti lang sila kumain. Hindi rin sila threatening at nakakatakot, lalo na sa mga batang amo. 

Sulit ba ang pagkakaroon ng alaga?

Kahit na kailangan pinagkakagastusan ang iyong alaga, mas marami pa rin itong benepisyo sa iyo katulad ng mas mababang stress, mas mahabang buhay, at mas malusog na katawan. Kaya naman, sulit na sulit ang pagkakaroon nito.

Ano ang mga benepisyong makukuha ko sa pag-aalaga ng isang hayop?

Ang pag-aalaga ng isang hayop ay mabisang paraan para linangin ang iyong kakayahang bumuo ng relasyon–sa tao man o sa ibang bagay. Ayon sa mga pag-aaral, kaya rin nitong mapabuti ang iyong pangkalahatang kalusugan. Kaya rin nilang maging mahusay na medical aid para sa mga support groups.

Ano ang dapat kong alamin bago mag-alaga?

Ang pagkakaroon ng alagan ay isang pangmatagalang commitment, hindi lang sa pera kundi pati sa oras at pag-alaga. Napakasaya na maging isang amo, subalit ito rin ay isang malaking responsibilidad na kailangan gampanan.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *